Dagupan City – Umaaray ang mga bangkero sa Lungsod ng Dagupan dahil sa panibagong pagtaas ng presyo ng gasolina, na tinitingnang panibagong pabigat sa kanilang pangkabuhayan kasunod ng matinding pagbaha sa nakalipas na linggo.

Matatandaan na mula noong pagpasok ng ber months magiging pangatlong linggo na ang pagtaas ng petrolyo sa susunod na martes kaya magdudulot nanaman ito ng dagok sa mga namamasada hindi lamang sa mga pampasaherong mga tricycle at Jeepney kundi pati rin mga bangka.

Tataas kasi ng ₱10.00 pesos ang Diesel, sa gasolina naman ay ₱4.40 habang kerosene ay ₱7.80.

--Ads--

Ayon kay Jojit Estrella, Pangulo ng Calmay-Carael Motorboat Driver Operator Association, malaking bawas sa kanilang pang-araw-araw na kita ang pagtaas ng presyo ng krudo.

Bagama’t nais nilang magtaas ng pamasahe upang makatabla sa gastusin, hindi nila ito magawa dahil sa pag-aalala sa panig ng mga pasahero.

Dagdag pa rito, kakabalik pa umano sa normal ng kanilang pasada mula sa lugi dulot ng sunod-sunod na ulan at pagbaha noong nakaraang linggo dahil sa kawalan ng pasok sa mga paaralan, malakas na agos ng ilog, at takot ng mga residenteng lumabas ng bahay kaya labis na kumonti ang kanilang naging pasahero.

Upang maipamahagi nang patas ang kita sa gitna ng mahinang pasada, nagpatupad ang asosasyon ng shifting system para sa kanilang 50 kasaping bangka—kung saan 25 lamang ang pumapasada bawat araw na nagsasalitan.

Sa kasalukuyan, pinapanatili ang regular na pamasahe na ₱20 bawat tao, habang nagbibigay naman ng diskwento sa mga estudyante na karaniwang nagbabayad ng ₱10 hanggang ₱15.

Saad pa nito na upang hindi malugi sa biyahe, kailangang makakolekta muna ang isang bangka ng kabuuang ₱200 bago ito umalis sa daungan.

Sa kabila ng mga pagsubok, umaasa ang mga bangkero na magtutuloy-tuloy na ang pagganda ng kanilang biyahe ngayong nagbalik na ang mga klase.

Nanawagan din si Estrella ng patuloy na pagtitiis sa kaniyang mga kasamahang namamasada, kasabay ng panawagan sa pamahalaan na gumawa ng paraan upang mapababa ang presyo ng gasolina.