Dagupan City – Muling naging sentro ng talakayan ang 16-vote threshold para sa conviction sa impeachment trial, kasunod ng magkakaibang pananaw ng mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema na inimbitahang magsilbing Amici Curiae o “Friends of the Court.”
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law expert at political analyst, hindi awtomatikong nangangahulugan na 16 na boto ang katumbas ng two-thirds vote sa impeachment proceedings.
Paliwanag niya, kailangang isaalang-alang kung ilan sa mga senador ang aktuwal na nakadalo at nakalahok sa mga paglilitis.
Kung may senador na hindi nakadalo sa proceedings, maaari umanong magkaroon ng usapin kung dapat pa rin itong isama sa bilang na 24 na senador bilang basehan ng two-thirds vote.
Dagdag pa niya, maaari ring maging mahalagang usapin ang tinatawag na political question, partikular dahil ang Senado mismo ang nagsisilbing impeachment court.
Dahil dito, inaasahang maaaring magkaroon ng petisyon na kumukuwestiyon sa magiging bilang ng threshold at maging sa desisyon ng Senado.
Dito na binigyang diin ni Cera na mismong mga senator-judge ang inaasahang magpapasya sa pamamagitan ng botohan kung ano ang magiging batayan ng two-thirds vote sa impeachment proceedings.
Kaugnay nito, nauna na umanong kinuwestiyon ni Atty. Paolo Panelo, Spokesperson ni Vice President Sara Duterte, ang panibagong pagtalakay sa 16-vote threshold para sa conviction.
Ayon kay Panelo, dapat isaalang-alang ang mga sitwasyong maaaring makaapekto sa pagdalo at aktuwal na paglahok ng mga senador bilang mga hukom sa impeachment trial bago itakda o baguhin ang bilang na magsisilbing batayan para sa conviction.










