Tinamaan ng isang drone ng Russia ang isang tren sa Ukraine, ilang sandali matapos umalis sa istasyon sina dating Punong Ministro ng United Kingdom Boris Johnson at mga matataas na security officials mula sa Europa.

Walang naiulat na nasawi o nasugatan matapos tamaan ng drone ang tren sa Yahodyn, malapit sa hangganan ng Ukraine at Poland. Ang makina ng tren ang tinamaan. Ayon sa mga awtoridad ng Ukraine, inilikas ang lahat ng pasahero.

Sina Johnson at iba pang European national security adviser, kabilang si Jonathan Powell ng United Kingdom, ay dumaan sa parehong linya sakay ng ibang tren habang pabalik mula sa isang kumperensya sa Kyiv.

--Ads--

Sinabi ng Ministry of Defense ng Russia na tinarget nito ang mga imprastraktura ng riles sa kanlurang Ukraine. Ngunit sinabi ng state railway company ng Ukraine na Ukrzaliznytsia na maaaring ang diplomatic train ang target ng drone.

Ayon kay Professor Katarzyna Pisarska, chair ng Warsaw Security Forum, kasama niya sa parehong bagon sina Johnson at Powell at nangyari ang pag-atake mga 30 minuto matapos makatawid sa border ng Poland ang kanilang tren.

Sa isang pahayag, sinabi ng Ukrzaliznytsia na mas maagang umalis sa istasyon ang diplomatic train kaysa sa nakatakda dahil binago ang iskedyul dahil sa patuloy na banta ng mga pag-atake ng Russia.