Binigyang-diin ng geopolitical observer na si Denmark Suede ang kahalagahan ng pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa BRICS Summit sa India, partikular sa kanyang papel bilang Chairman ng ASEAN. Layunin ng BRICS na palakasin ang ugnayan ng mga bansang miyembro at mabawasan ang pag-asa sa Western-led economic system, kabilang ang paggamit ng US dollar sa international trade.
Ayon kay Suede, inaasahang pag-uusapan sa mga bilateral meeting ni Marcos sa India ang ilang usaping pangkalakalan at pang-ekonomiya. Gayunman, sinabi niyang nananatiling hamon ang pagtatangkang bawasan ang paggamit ng US dollar dahil malaking bahagi pa rin ng pandaigdigang kalakalan at financial transactions ang nakadepende rito.
Binanggit ni Suede na nais ng India na gamitin ang rupee sa ilang transaksyong may kinalaman sa kanilang bansa, ngunit hindi aniya madaling maisakatuparan ito dahil sa patuloy na lakas ng dolyar. Dagdag niya, bagama’t nagsisikap ang India na magkaroon ng mas malayang ugnayan sa ibang bansa, nananatiling malaki ang bahagi ng kanilang mga transaksyon na konektado sa United States.
Samantala, sinabi ni Suede na nagpapatuloy rin ang geopolitical tensions sa pagitan ng India at China bagamat magkasama ang dalawang bansa sa BRICS. Sa usapin naman ng seguridad, sinabi niyang nananatiling mahalaga para sa India ang ugnayan nito sa United States, habang sa larangan ng negosyo ay mas pinipili ng New Delhi ang balanseng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa. Ayon sa kanya, ang BRICS ay maaari pa ring magsilbing venue para sa pag-uusap at pagbuo ng mga kasunduan, bagama’t may mga limitasyon ang grupo sa pagbago sa kasalukuyang pandaigdigang sistema ng kalakalan.




