Dagupan City – Tatlong residente mula sa Barangay Camaley, Binmaley, Pangasinan ang patuloy na pinaghahanap matapos lumubog ang sinasakyan nilang motorboat kagabi habang patungo sa Balogo.

Ayon kay Armenia Delos Angeles, OIC ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Binmaley, dalawang babae at isang lalaki ang kabilang sa 13 sakay ng motorboat, kasama ang driver. Sinundo umano ang mga ito bandang alas-11:40 ng gabi upang pumunta sa Balogo, kung saan pupunta sana upang makilamay.

Batay sa salaysay ng mga nakasama ng mga biktima, napansin nilang mabigat na ang kondisyon ng biyahe habang patungo sa lugar ngunit nagpatuloy pa rin sila. Hindi pa umano gaanong nakakalayo sa daungan nang biglang lumubog ang motorboat.

--Ads--

Sampu sa mga sakay ang nakaligtas at agad na nailigtas matapos lumangoy palayo sa lumubog na sasakyan.

Patuloy naman ang search and rescue operation para sa tatlong nawawala, katuwang ang PDRRMO Pangasinan, PNP Binmaley, Philippine Coast Guard Dagupan, Bantay Dagat, mga boat operator at iba pang volunteer.