Patuloy na lumalala at nararanasan sa malaking bahagi ng Indonesia ang malawakang wildfire na inaasahang maglalabas pa ng napakaraming carbon emission na halos kapantay ng pinakamalalang sunog na naitala sa bansa ngayong siglo, ayon sa mga eksperto sa kalikasan.
Batay sa pinakabagong datos mula sa Global Fire Emissions Database, umabot na sa 76 milyong tonelada ng carbon (MtC) ang naipalabas ng mga sunog sa Indonesia ngayong taon.
Dahil sa matinding pagtaas na ito, ang sitwasyon ngayong 2026 ay kumikilos sa parehong lebel at direksyon ng malagim na wildfire noong 2015, kung kailan umabot sa 2.6 milyong ektarya ng lupain ang natupok at nakapagtala ng kabuuang 333 milyong tonelada ng carbon emissions.
Sa isang panayam ng Star FM Bacolod sa mag-asawang Farhaniza at Ammar na kasalukuyang nakatira sa Indonesia, ibinahagi nilang ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakaranas sila ng ganito kalapad at kalaking wildfire sa lugar ng Kalimantan.
Nananatiling nakatutok ang mga awtoridad sa Indonesia sa pagpuksa sa mga lumalawak na sunog habang patuloy na nagbabala ang mga eksperto ukol sa masamang epekto nito sa kalusugan ng mamamayan at sa pangkalahatang klima sa rehiyon.










