Nanawagan si Binmaley Mayor Pedro A. Merrera III sa mga residente na manatiling maingat at ligtas habang patuloy na nararanasan ang pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar. Kasabay nito, hinikayat ng alkalde ang mga nangangailangan na tanggapin ang mga tulong na ipinagkakaloob sa kanilang mga tahanan, lalo na ang mga pamilyang maaaring kapusin sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.
Binigyang-diin ni Merrera ang kahalagahan ng wastong pangangalaga sa kalusugan, partikular sa paggamit ng gamot. Pinayuhan niya ang mga residente na kumonsulta muna sa doktor o health professionals upang matukoy ang nararapat na gamot at maiwasan ang paglala ng anumang nararamdamang karamdaman.
Hinikayat din ng alkalde ang publiko na manatili muna sa kanilang mga bahay kung wala namang mahalagang dahilan upang lumabas, bilang pag-iingat laban sa mga panganib na dulot ng masamang panahon. Hiniling niya ang patuloy na kooperasyon ng mga residente upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad.
Samantala, binigyang-diin ni Merrera na pangunahing tungkulin ng mga lider ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng krisis. Aniya, ang tiwala ng publiko ay dapat tumbasan ng malasakit, responsableng pamumuno at konkretong pagtulong sa mga nangangailangan.










