Nagbabala ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) na maaaring maapektuhan ang karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga lider kapag patuloy na ipinagpapaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng LENTE, wala pang sapat na batayan upang masabi kung ano mismo ang magiging epekto ng posibleng pagpapaliban ng halalan, kaya’t aniya, nananatiling haka-haka ang ilang posibleng senaryo.
Gayunman, sinabi ni Caritos na hindi dapat mawala sa usapin ang pangunahing epekto ng postponement—ang pagkawala ng pagkakataon ng mga mamamayan na direktang pumili ng kanilang mga opisyal.
Binigyang-diin ni Caritos na ang halalan ang isa sa pinakapangunahing paraan upang mapanagot ng publiko ang mga halal na opisyal, mula sa pangulo hanggang sa mga opisyal sa barangay.
Aniya, kapag paulit-ulit na ipinagpapaliban ang elections at awtomatikong napahahaba ang termino ng mga incumbent barangay at SK officials, nababawasan ang pagkakataon ng mga botante na suriin ang kanilang performance at magpasya kung dapat silang muling pagkatiwalaan o palitan.
Binigyang halimbawa ng opisyal ng LENTE ang posibilidad na umabot sa limang taon o higit pa ang panunungkulan ng isang barangay official kung patuloy na maaantala ang halalan.
Gayunman, nilinaw niyang hindi pa ito isang tiyak na magiging resulta at isa lamang sa mga posibleng senaryo.
Mas mahalaga, aniya, na tingnan ang prinsipyo sa likod ng regular na halalan: ang pagbibigay sa mga mamamayan ng pagkakataong managot ang kanilang mga lider sa pamamagitan ng balota.
Para kay Caritos, hindi lamang simpleng pagpili ng opisyal ang elections. Isa rin itong mekanismo ng accountability kung saan maaaring ipakita ng mga botante ang kanilang suporta o pagtutol sa naging pamamalakad ng isang opisyal.
Kung patuloy na maaantala ang barangay at SK elections, maaaring maantala rin ang pagkakataon ng mga botante na gamitin ang kanilang karapatang pumili ng bagong lider.










