Dagupan City – Nagsagawa ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Tabletop Exercise bilang bahagi ng pakikiisa ng lalawigan sa 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED), na nilahukan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan.

Layunin ng aktibidad na masukat ang kahandaan ng mga kalahok sa pagtugon sa posibleng lindol at matukoy ang mga maaaring maging hamon sa komunikasyon, koordinasyon, proseso at pagtugon sa pangangailangan ng mga empleyado at kliyente.

Sa pamamagitan ng Tabletop Exercise, sinuri ng mga kalahok ang iba’t ibang posibleng senaryo na maaaring mangyari sa panahon ng lindol.

--Ads--

Naging pagkakataon din ito upang matukoy ang mga kakulangan sa kasalukuyang disaster preparedness at makapaglatag ng mga hakbang para sa mas mabilis, maayos at epektibong pagtugon sa panahon ng sakuna.

Binigyang-diin ng PDRRMO ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay at pagsusuri sa mga sistema ng bawat lokal na pamahalaan upang mapalakas ang kahandaan ng mga komunidad sa lindol at iba pang kalamidad.

Hinikayat naman ang mga Pangasinense na manatiling handa at alamin ang tamang earthquake safety measures, kabilang ang pagsasagawa ng Duck, Cover, and Hold kapag nakaranas ng pagyanig.