Kinuwestiyon ng August Twenty-One Movement o ATOM ang pagbabaliktad sa hatol sa pitong counts ng graft laban kay dating First Lady Imelda Marcos. Ayon kay ATOM President Volt Bohol, nakalulungkot umano ang naging desisyon dahil umasa ang kanilang grupo na magkakaroon ng pananagutan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na matapos ang pagkakaaresto sa pinsan ng Pangulo na si dating House Speaker Martin Romualdez.


Sinabi ni Bohol na nakababahala ang pagbabaliktad sa graft conviction ni Imelda dahil nangangamba siyang maaari rin umanong maging kahinatnan nito ang kaso ni Romualdez. Ayon sa kanya, mahirap para sa Pangulo na usigin ang sariling ina, ngunit iginiit niyang hindi dapat maging selective ang pagpapatupad ng hustisya. Kaugnay nito, binanggit din niya ang ginagawa umanong pag-usig ng administrasyon kay Vice President Sara Duterte bilang dahilan upang maging pantay ang pagpapatupad ng batas sa lahat ng personalidad.


Ayon pa kay Bohol, nagkaroon umano ng pag-asa sa pagkakaaresto kay Romualdez at sa posibilidad na mapanagot ang iba pang personalidad, ngunit sinabi niyang mahirap pagkatiwalaan ang administrasyon pagdating sa usapin ng tunay na accountability. Giit niya, hindi dapat bitawan ang mga isyu ng katiwalian hanggang sa mapanagot ang mga mapatutunayang sangkot dito. Hinimok din niya ang mga botante na huwag suportahan sa halalan ang mga kandidatong napatunayang nagkasala sa bayan, habang sinabi ng ATOM na magsasagawa ito ng mga pagkilos ngayong buwan bilang paggunita sa Martial Law at panawagan laban sa katiwalian.

--Ads--


Samantala, nagpahayag din ng pagtutol ang ATOM sa postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE. Ayon kay Bohol, maaaring magkaroon umano ng pagkakataon ang mga nakaupong mataas na opisyal na higit na maimpluwensiyahan ang mga lokal na opisyal at makakuha ng suporta sa eleksyon. Aniya, hindi magandang gawain ang ganitong sistema dahil maaari umano itong magpalakas ng political influence at mauwi sa katiwalian.