Dagupan City – Inilapit ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang programang Bantay Barangay sa mga residente ng Barangay Alitaya sa pamamagitan ng pagdadala ng iba’t ibang libreng serbisyo sa Alitaya Elementary School nitong Setyembre 9, 2026.
Layunin ng programa na mailapit mismo sa mga barangay ang mga pangunahing serbisyo ng munisipyo upang mas marami pang residente ang makinabang. Isa ito sa mga matagal nang programa ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno na isinusulong mula pa noong 2013.
Kabilang sa mga serbisyong inihatid sa lugar ang health education promotion, medical consultation, dental services at libreng bunot, animal anti-rabies vaccination, blood donation drive at libreng haircut. Kasama rin dito ang Supplemental Feeding Activity sa ilalim ng Mobile Kusina ni Mayor Bona.
Naglaan din ng mga information at help desk para sa legal consultation, business permits and licensing, local recruitment activity ng PESO, real property tax concerns, mobile birth registration, social welfare services at disaster preparedness assistance.
Nakiisa rin ang Mangaldan PNP at Bureau of Fire Protection sa pagbibigay ng impormasyon at serbisyong may kaugnayan sa kaligtasan at seguridad ng mga residente.










