Muling nakaranas ng pagbaha ang Barangay Caranglaan sa Dagupan City ngayong araw dulot ng high tide.


Ayon kay Kap. Gregorio Claveria Jr. ito na ang ikaapat na pagkakataong naranasan ang pagbaha sa kanilang barangay matapos ang tuloy-tuloy na sama ng panahon noong nakalipas na buwan.


Aniya, kabilang ito sa pinakamataas na naitala sa kanilang barangay ang kasalukuyang lebel ng tubig, na pangunahing iniuugnay sa high tide at hindi sa matinding pag-ulan.

--Ads--


Pinakanaaapektuhan aniya ang mga residente sa Sitio Bayanihan, isang mababang lugar na madaling bahain.


Tinatayang nasa walo hanggang sampung pamilya na ang lumikas at kasalukuyang nasa evacuation center.


Patuloy namang minomonitor ng barangay ang sitwasyon, kabilang ang lebel ng tubig sa mga kabahayan sa pamamagitan ng mga CCTV na nakatutok sa mga lugar na madalas bahain.


Ayon kay Claveria, kinakailangan nang lumikas ng ilang pamilya matapos umabot ang tubig baha sa mga mabababang bahagi ng kanilang mga tahanan dahil malapit sila sa ilog.


Samantala, sinabi ng kapitan na nananatiling nakahanda ang barangay para sa posibleng pagtaas pa ng tubig, lalo na kung susundan ito ng pag-ulan.


Bukod dito, tinututukan naman ng Barangay ang kaso ng Leptospirosis matapos magkaroon sila ng dalawang kaso na ikinasawi ng isa.
Saad nito na epekto ito ng mga naunang pagbaha kung saan dalawang kabataan ang nagpositibo sa leptospirosis matapos umanong malantad sa baha.


Pagbabahagi pa nito na patuloy ang kanilang pagbibigay ng doxycycline sa tulong ng lokal na pamahalaan at City Health Office.
Ayon sa kapitan, mas naging maingat na rin ang mga residente matapos ang mga naunang insidente ng pagbaha at kaso ng leptospirosis sa kanilang lugar.


Ibinahagi naman ni Raymond E. De Guzman, residente ng Sitio Bayanihan at isa sa mga evacuee, ang hirap na kanilang nararanasan dahil sa paulit-ulit na pagbaha dahil nakaapat na beses na silang nagevacuate.
Bukod sa pinsala sa kanilang mga tahanan, problema rin umano ang mabababang daanan na nagiging mahirap tawirin kapag tumataas ang tubig.


Nanawagan si De Guzman sa mga kinauukulan na bigyang-pansin ang kondisyon ng kanilang lugar lalo na ang pagpapataas sa kalsada, mga baradong drainage at problema sa basura, na aniya ay nakadaragdag sa pagbaha.


Samantala, Umaasa naman ang kapitan sa patuloy na tulong mula sa lokal na pamahalaan at mga non-government organization para sa mga residenteng apektado ng pagbaha.