Sa kabila ng pag-ulan at iba pang hamon, nananatiling matatag ang pagdagsa ng mga deboto at pilgrims sa Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy Agerico Rosario, hindi naging malaking hadlang ang mahabang pag-ulan sa pagpunta ng mga tao sa basilica, na patuloy na dinarayo ng mga deboto upang magsimba, magdasal at tumupad sa kanilang mga panrelihiyong obligasyon.
Aniya, patuloy ang regular na pagdaraos ng mga misa upang matugunan ang dami ng mga deboto at pilgrims. Nadagdagan pa umano ang mga schedule ng misa, kabilang ang isang 4:00 ng hapon na misa para sa mga dumaraan at bumibisita sa Manaoag.
Ibinahagi rin ng alkalde na tinatayang nasa walong milyong katao ang bumibisita sa Manaoag bawat taon, o halos 60,000 bisita kada linggo.
Gayunman, sinabi niyang malaking hamon para sa lokal na pamahalaan na mapanatili ang mga bisita sa bayan nang mas matagal.
Sa kasalukuyan, aniya, marami sa mga dumadayo ay nakatuon lamang sa kanilang religious activities gaya ng pagdarasal ng nobena at pagdalo sa misa bago bumili ng ilang lokal na produkto o religious articles at agad nang umalis.
Dahil dito, nais ng lokal na pamahalaan na higit na mapakinabangan ang malaking bilang ng mga turistang dumadayo sa Manaoag sa pamamagitan ng pagpapalakas ng turismo at pag-akit ng mga mamumuhunan.
Ayon kay Rosario, tinatawag na rin ang Manaoag bilang “blessing capital of the country,” dahil sa patuloy na pagdating ng mga deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ngunit para sa alkalde, hindi lamang relihiyosong turismo ang dapat makinabang dito.
Batay umano sa kanilang survey, nasa 85 porsiyento ng mga bumibisita sa Manaoag para sa religious purposes ang nagsasagawa rin ng leisure activities o pamamasyal sa lugar.
Kaya naman, hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng mas maraming pasilidad gaya ng mga resort at iba pang tourism establishments upang mapahaba ang pananatili ng mga bisita sa bayan.
Bahagi rin ng planong ito ang pagpapaganda at pagsasaayos ng Manaoag Public Market.
Ayon kay Rosario, halos tapos na ang proyekto at bahagya nang nagagamit ng publiko ang ilang bahagi nito. Napansin na rin umano ng lokal na pamahalaan ang pagtaas ng commerce o kalakalan sa pamilihan mula nang magsimula itong buksan.
Layunin ng bagong palengke na maging mas maayos, organisado at malinis, bukod sa pagkakaroon ng sapat na parking area upang maging mas komportable ang mga mamimili at turista.
Hinimok naman ni Rosario ang kanyang mga kapwa alkalde sa Pangasinan, gayundin ang pamahalaang panlalawigan, na gamitin ang Manaoag bilang “catch basin” o pangunahing entry point sa pagsusulong ng turismo sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Aniya, maaaring gawing venue ang Manaoag upang maipakilala sa mga bisita ang iba pang tourism destinations sa Pangasinan kabilang ang mga resort, pasyalan at iba pang atraksyon na maaaring hindi pa nila alam.










