Dagupan City – Nagpaalala ang Schools Division Office (SDO) ng Dagupan City sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang na iwasang magbabad o maglaro sa baha upang maiwasan ang panganib ng leptospirosis, lalo na ngayong panahon ng pag-ulan at pagbaha habang nananatiling wala pang pasok sa ilang paaralan sa lungsod.
Ayon kay Dr. Marciano U. Soriano Jr., OIC Schools Division Superintendent ng SDO Dagupan City, mahalagang gabayan at paalalahanan ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag maglaro sa ulan at baha dahil maaari itong magdulot ng seryosong karamdaman.
Sinabi rin ni Soriano na patuloy na pinapaalalahanan ng mga guro, punong-guro at iba pang school personnel ang mga mag-aaral sa mga nagpatupad ng face-to-face classes na iwasang maglaro sa ulan o lumusong sa baha.
Kasabay nito, hinimok niya ang mga barangay officials na makiisa sa kampanya upang maprotektahan ang mga residente, partikular ang mga kabataan, laban sa sakit na maaaring makuha mula sa kontaminadong tubig-baha.
Binigyang-diin ni Soriano na nasa kamay ng mga magulang, paaralan, barangay at iba pang sektor ng komunidad ang pagtiyak sa kaligtasan at kalusugan ng mga bata.
Nanawagan naman ang SDO Dagupan City ng pagtutulungan ng mga magulang, guro, barangay officials at iba pang stakeholders upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng pagbaha at mapangalagaan ang buhay at kalusugan ng mga mag-aaral habang may ipinapatupad na localized suspension.










