Pinaigting ang pagtutok ng Indonesian Government sa nararanasang magkasabay na kalamidad sa kanilang bansa tulad ng wildfire at pagputok ng bulkan.
Ayon kay Lyn Dolor, Bombo International News Correspondent sa Indonesia, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nagkaroon ng pagpupulong ang ilang opisyal ng bansa sa pamumuno ni Indonesian President Prabowo Subianto para mabigyan ng karampatang tugon lalo na sa mga apektadong lugar sa kanilang nasasakupan.
Saad nito na nagpapatuloy ang pagkalat ng wildfire na sinabayan pa ng pagputok ng isang bulkan sa Indonesia na kilala sa tawag na Anak Krakatau na nagsanhi ng pagkalat ng abo na nagresulta sa pagkansela ng nasa 2300 flight sa ilang bahagi ng bansa dahil sa pagsasara ng walong paliparan.
Dahil sa nangyari, binabantayan ang apat na bulkan sa Indonesia at ang kalagayan ng mga residenteng nasa mga apektadong lugar.
Pagbabahagi pa nito na halos humupa na ang aktibidad ng bulkan matapos ang huling pagputok nito noong Linggo.
Inilarawan din niya ang Bulkang Anak Krakatau na kahalintulad ng Bulkang Taal.
Bagamat mas maliit ito kumpara sa Taal, mas aktibo umano ang Anak Krakatau at malaki ang ibinubugang apoy na umabot sa tinatayang 50,000 talampakan.
Bukod dito, nagpatupad naman ng online learning para sa mga estudyante at work from home para sa mga manggagawa.










