Iginiit ni senator-judge Erwin Tulfo na dapat pa ring humarap sa impeachment court sina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco upang personal na masagot ang mga tanong kaugnay sa paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Sa ika-22 araw ng impeachment trial, muling kinuwestiyon ni Tulfo ang desisyon ng House prosecution na hindi na iharap bilang mga testigo sina Lachica at Nolasco.

Ayon kay Tulfo, nais ng mga senator-judge na direktang marinig mula sa dalawang opisyal kung paano isinagawa ang paghawak at pamamahagi ng confidential funds at kung may naging papel si Duterte sa mga transaksiyon.

--Ads--

Mahalaga rin aniya ang kanilang testimonya upang malinawan kung sino ang nagpasya at naghanda ng mga pangalan at dokumentong kalakip ng mga acknowledgment receipt.

Nauna nang sinabi ng House prosecution na hindi na kailangan pang iharap sina Lachica, Nolasco at dating aide na si Ramil Madriaga dahil sapat na umano ang mga testimonya at ebidensiyang nailatag para mapatunayan ang mga alegasyon sa unang Article of Impeachment.

Si Lachica ay dating hepe ng Vice Presidential Security and Protection Group, habang si Nolasco naman ang dating deputy chief. Kapwa sila iniuugnay sa paghawak at pag-disburse ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Dahil dito, nais ni Tulfo na malaman mismo mula sa dalawang opisyal kung ano ang aktuwal na nangyari sa mga transaksiyong kanilang kinasangkutan.