Nasa 12,029 sa kabuuang 13,441 kwalipikadong law graduates ang dumatag at kumuha ng unang asignatura sa nagpapatuloy na 2026 online Bar examinations nitong Linggo, Setyembre 6.

Isinagawa ang pagsusulit sa 15 local testing centers sa buong bansa sa ilalim ng mahigpit na pangangasiwa ng Supreme Court, Philippine National Police, at mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan, hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan ng hindi pagsepot ng ilang examinees ngunit posibleng inisip ng mga ito na hindi pa sila fully prepared para sa pambansang pagsusulit.

--Ads--

Inihayag din ng hukuman na karamihan sa mga kumuha ng unang asignatura ay mga kababaihan habang may ilan ding senior citizens ang nakiisa sa pagsusulit.

Upang matiyak ang katahimikan at seguridad, ipinatupad ng mga pamahalaang lokal ang liquor ban at temporary road closures sa paligid ng mga testing centers tulad ng University of Santo Tomas at San Beda University.

Nakatakdang ipagpatuloy ang ikalawa at ikatlong araw ng Bar examinations sa Setyembre 9 at Setyembre 13 kung saan nakahanda na rin ang mga kaugnay na security at traffic management plans.| via Bombo Dennis Jamito