Nakipag pulong sa unang round ng pag-uusap sa Kyiv si Ukraine’s President Volodymyr Zelensky sa mga top envoys ni US pres. Donald Trump sa kanilang unang pagbisita sa Ukraine mula nang magsimula ang malawakang pagsalakay ng Russia.
Si Steve Witkoff, na nakaupo sa tapat ng lider ng Ukraine, ay nagsabi sa mga reporter na ang US team ay “encouraged” o positibong nakadama matapos ang tinawag niyang “substantive” at mahalagang talakayan.
Sinabi naman ni Jared Kushner na inatasan sila ng pangulo ng US na humanap ng paraan upang wakasan ang digmaan at “lumikha ng tamang mga kondisyon para sa isang pangmatagalan at matibay na kapayapaan.”
Bago ang pagpupulong, sinabi ni Zelensky na handa ang Ukraine na pag-usapan kung paano “mapapalapit ang pagtatapos ng digmaan.” Gayunman, sinabi niyang kailangan din ang mga garantiya para sa seguridad at isang marangal na kapayapaan pagkatapos ng digmaan.
Sinabi ni Kushner kay Zelensky na “desidido si Trump na makita ang pagtatapos ng digmaang ito,” at pinasalamatan niya ang United Kingdom, Germany, at France sa kanilang mga pagsisikap na makamit ang kapayapaan.
Idinagdag ni Witkoff na magpapatuloy ang mga negosyador ng US “hangga’t kinakailangan.” Pinuri rin niya si Zelensky dahil sa kanyang “walang kapantay na mabuting pagtanggap” sa kanilang pagbisita.
Nauna nang sinalubong ng lider ng Ukraine sina Witkoff at Jared Kushner sa St Sophia Cathedral sa Kyiv. Malapit dito ang lugar kung saan tinamaan ng drone ng Russia ang headquarters ng security services ng Ukraine noong Biyernes.
Noong Sabado, nakipagpulong ang dalawang envoys kay Russian President Vladimir Putin sa Moscow upang pag-usapan ang pagtatapos ng digmaan. Inilarawan ng Kremlin ang pag-uusap bilang “prangka at konstruktibo.”
Nagkasundo sina Putin at Zelensky na itigil ang mga pag-atake laban sa mga kabisera ng bawat isa sa loob ng tatlong araw, habang isinasagawa ng mga negosyador ang kanilang paglalakbay.










