Nasawi ang isang 26-anyos na lalaki matapos matabunan ng gumuhong lupa at mga bato habang pababa mula sa kabundukan ng bayan ng Labrador.
Ayon kay Police Lieutenant Marie Grace E. Lucendo, Deputy Chief of Police ng Labrador Municipal Police Station, apat na solar workers ang pauwi na at naglalakad patungo sa lugar kung saan naghihintay ang kanilang service vehicle nang biglang gumuho ang bahagi ng lupa mula sa itaas ng bundok.
Tatlo sa mga manggagawa ang nakaligtas, habang ang ilan ay nagtamo ng minor injuries. Samantala, ang 26-anyos na biktima ay napaanod o nahulog habang tinatangkang makaiwas sa gumuhong lupa at natabunan ng mga bato, putik at lupa.
Agad humingi ng tulong ang mga kasama ng biktima upang hanapin siya. Kalaunan ay natagpuan siyang natabunan ng gumuhong lupa at dinala sa pinakamalapit na pagamutan, ngunit hindi na ito nakaligtas.
Sinabi pa ng opisyal na wala silang naitalang mga naunang senyales ng pagguho ng lupa sa lugar bago ang insidente.
Batay sa kanilang paunang imbestigasyon, ito ang unang insidenteng may kinalaman sa land erosion na naitala sa naturang bahagi ng barangay.
Ayon sakaniya, posibleng nakaambag ang sunod-sunod na pag-ulan dulot ng habagat sa paglambot ng lupa sa kabundukan.
Dahil dito, patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang kondisyon ng mga lugar na malapit sa kabundukan upang maiwasan ang panibagong insidente.
Agad ding rumesponde ang mga tauhan ng Labrador Police Station, katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), rescue personnel at lokal na pamahalaan matapos matanggap ang ulat tungkol sa insidente.
Isinagawa rin ang paunang imbestigasyon upang matukoy kung may foul play na sangkot. Batay sa inisyal na resulta, sinabi ni Lucendo na aksidente ang nangyari at walang nakitang indikasyon ng foul play.
Kasunod ng insidente, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga residenteng nakatira malapit sa kabundukan na maging alerto sa anumang senyales ng paggalaw ng lupa.
Hinikayat ang mga residente na agad lumikas kung kinakailangan at huwag nang mag-atubiling umalis sa lugar kapag may nakikitang pagbagsak o paggalaw ng lupa mula sa bundok.









