Maglalagay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng pansamantalang steel structures sa mga nasirang bahagi ng Agana Bridge at Aquino Bridge upang muling madaanan ng mga motorista at makatulong na maibalik ang normal na daloy ng transportasyon at kalakalan sa lalawigan ng Tarlac.

Ayon kay Tarlac Provincial Information Officer Arvin Cabalu, bumisita na sa lalawigan si DPWH Secretary Vince Dizon upang inspeksyunin ang dalawang tulay na kabilang sa mga pangunahing ruta patungo sa hilagang bahagi ng Luzon.

Nagdulot ng matinding pagkaantala sa biyahe ang pagsasara ng dalawang tulay matapos masira ang mga ito noong Agosto 28 at 29.

--Ads--

Dahil dito, napipilitan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta na maaaring magdagdag ng mahigit isang oras sa kanilang biyahe.

Naging mas mabigat din ang trapiko sa mga natitirang bukas na ruta dahil sa pagdami ng mga sasakyang dumadaan sa mga ito.

Bukod sa dagdag na oras sa paglalakbay, sinabi ni Cabalo na ramdam din ang epekto ng pagkasira ng mga tulay sa komersiyo, trabaho at pang-araw-araw na operasyon sa lalawigan.

Dahil dito, nangako umano si Dizon na maglalagay ng temporary steel structures sa mga nasirang bahagi ng tulay bilang agarang solusyon habang isinasagawa ang mas malawak na assessment at kinakailangang rehabilitasyon.

Samantala, nag-deploy din ang provincial at city governments ng mga sasakyan na magsisilbing shuttle para sa mga manggagawa at estudyanteng apektado ng pagsasara ng mga ruta.

Patuloy namang mino-monitor ng mga lokal na pamahalaan ang mga lugar na madaling bahain, lalo na ang mga komunidad na maaaring maapektuhan ng pagtaas muli ng tubig.