Inilikas ang 218 indibidwal o 54 na pamilya sa Agno, Pangasinan matapos tumaas ang tubig sa ilang bahagi ng bayan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat. Ilang kalsada na rin ang hindi madaanan habang nagpapatuloy ang pagresponde sa mga apektadong lugar.


Ayon kay Mayor John Celeste, mabagal ang pagbaba ng tubig dahil nagpapatuloy ang pag-ulan. Isinasagawa rin ang clearing operation katuwang ang iba’t ibang ahensya, partikular sa mga lugar na nakaranas ng landslide. Dalawang lugar na ang natapos linisin habang nagpapatuloy ang operasyon sa iba pang apektadong bahagi.


Patuloy ding binabantayan ang ilog na kapag umapaw ay nagdudulot ng pagtaas ng tubig sa bayan. Dahil dito, hindi pa matiyak kung kailan makababalik sa kanilang mga tahanan ang mga inilikas na residente, lalo’t posible pang magtagal ang pagbaba ng tubig.

--Ads--


Samantala, nagpapatuloy ang pamamahagi ng relief assistance sa mga apektadong pamilya. Hindi pa naglalabas ng pinal na dokumento ang lokal na pamahalaan para sa state of calamity, habang isinasagawa ang pagsusuri sa kabuuang pinsala upang matukoy kung kinakailangan ang naturang deklarasyon.