PATULOY na nakikipag-ugnayan ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO Pangasinan sa San Roque Dam matapos itong magsagawa ng pre-release ng 150 cubic meters per second na tubig kahapon. Sinabi ng PDRRMO na inaasahang minimal lamang ang magiging epekto nito, ngunit patuloy ang pagbabantay sa mga lugar na malapit sa Agno River.


Ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng PDRRMO Pangasinan, maaaring maapektuhan ang ilang bahagi ng silangang Pangasinan, kabilang ang San Manuel, Tayug, Villasis, San Nicolas, Santa Maria, Rosales at Bugallon, batay sa abiso ng San Roque Dam. Nilinaw rin ni Chiu na walang basehan ang mga kumakalat na ulat sa social media na direktang inuugnay ang pre-release sa pagbaha sa ilang lugar sa lalawigan.


Samantala, sinabi ng PDRRMO na halos lahat ng residenteng lumikas dahil sa mga bagyo at patuloy na Habagat ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan. Isang pamilya na lamang sa Infanta ang hindi pa nakababalik, habang siyam na barangay mula sa tatlong bayan at isang lungsod ang naitala pa ring may pagbaha. Tinatayang nasa 232 milyon pesos ang pinsala sa imprastraktura, 537 milyon pesos sa agrikultura, at mahigit dalawang milyon pesos sa livestock.

--Ads--


Patuloy naman ang assessment ng mga concerned agency upang matukoy ang aktuwal na lawak ng pinsala sa lalawigan. Nagpaalala rin ang PDRRMO sa publiko na mag-ingat sa posibleng paglitaw ng mga wildlife gaya ng ahas matapos ang pagbaha. Pinayuhan ang mga makakakita ng naturang hayop na agad itong ireport sa lokal na pamahalaan upang maaksiyunan nang maayos at maiwasan ang panganib sa mga residente.