Nagbabala ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Nicolas sa mga motorista at biyahero na mag-ingat sa pagdaan sa Pangasinan–Nueva Vizcaya Road, partikular sa mga lugar na maaaring isara dahil sa mapanganib na kondisyon ng kalsada dulot ng patuloy na pag-ulan.

Ayon kay Shallom Balolong, Head ng MDRRMO San Nicolas, pansamantalang isinasara ang ilang ruta at pasyalan sa tuwing nagiging delikado ang kondisyon ng panahon, bilang bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang aksidente at maprotektahan ang publiko.

Sinabi ni Balolong na patuloy na maglalabas ng mga abiso ang lokal na pamahalaan hinggil sa kondisyon ng mga kalsada, posibleng road closure at iba pang mahahalagang impormasyon.

--Ads--

Maaari aniyang subaybayan ng mga residente at biyahero ang opisyal na social media pages ng San Nicolas, My Home, My Pride at San Nicolas MDRRMO para sa mga pinakabagong update.

Hinimok din ng MDRRMO ang mga residente na maging handa sa pag-ulan at laging magdala ng payong, lalo na’t inaasahang maaari pang maapektuhan ng masamang panahon ang ilang lugar.

Samantala, binigyang-diin ni Balolong ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng mga motorista sa mga ipinatutupad na road closure.

Ayon sa kanya, may ilang motorista na pinipilit pa ring dumaan sa Villa Verde Road kahit may abiso ng pagsasara. May mga pagkakataon umanong nakakarating ang mga ito sa kabilang bahagi ng kalsada bago malaman na sarado rin ang ruta, dahilan upang mapilitan silang bumalik sa San Nicolas.

May ilan ding nagtatangkang gumamit ng Umingan–Lupao Road bilang alternatibong daan.

Dahil dito, nanawagan ang MDRRMO sa mga motorista na sundin ang mga opisyal na advisory at huwag nang ipilit ang pagdaan sa mga rutang idineklarang sarado.

Paalala ng MDRRMO, mas mabuting maantala ang biyahe kaysa malagay sa panganib ang buhay ng mga motorista at kanilang mga pasahero. Patuloy namang inaabisuhan ang publiko na manatiling alerto at regular na tingnan ang mga opisyal na update bago bumiyahe.