Nanindigan ang Department of National Defense (DND) na walang karapatang humihingi ng paliwanag ang Chinese Embassy kaugnay ng operasyon sa Sanjia Steel Corporation, at iginiit na walang obligasyon ang ahensya na sagutin ang mga tanong ng alinmang dayuhan.
Ayon kay DND spokesperson Arsenio Andolong, ang Chinese Embassy mismo ang dapat magpaliwanag sa mga isyung ibinabato rito dahil sa umano’y pagkunsinti nito sa mga ilegal na aktibidad sa teritoryo ng Pilipinas.
“Walang karapatan ang sinumang dayuhang pamahalaan, lalo na ang Tsina, na humingi ng kasagutan mula sa DND. Ito ay lantarang panghihimasok sa mga panloob na usapin ng ating bansa,” ani Andolong.
Kaugnay ito ng operasyon noong Mayo sa Sanjia Steel Corporation kung saan inaresto ng mga awtoridad, kasama ang Armed Forces of the Philippines, ang ilang mga Chinese workers.
Kinuwestiyon ng Chinese Embassy ang naging papel ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa operasyon.
Sa pahayag ng embassy spokesperson na si Ji Lingpeng, tinanong nito kung bakit nakialam umano ang kalihim sa isang law enforcement operation.
“Is Teodoro a national defense chief or a police chief? Why did he have a hand in the law enforcement operation? What is he up to? Is that part of his portfolio?” pahayag ni Ji.
Giit pa ng Chinese Embassy na hindi sinagot ng DND ang mga tanong nito at tinawag na “evasive and deceptive” ang pahayag ni Andolong.
Bilang tugon, sinabi ni Andolong na “evasive, crass, and galling” ang naging reaksyon ng Chinese Embassy.
Tinawag din niya itong isang malinaw na halimbawa ng panghihimasok sa panloob na usapin ng Pilipinas.
“Ito ay lantarang panghihimasok sa mga panloob na usapin ng ating bansa,” saad ni Andolong.
Binigyang-diin ng DND na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas ng Pilipinas at pagsugpo sa anumang paglabag, kahit pa tutulan ito ng Chinese Embassy o iba pang partido.
“Di kami pasisiil!” dagdag ni Andolong. | via Bombo John Florez










