Hindi lahat ng empleyadong gumagawa lamang ng itinakdang tungkulin ay agad maituturing na silent quitter.

Ayon kay Dr. Argel Masanda, psychologist, maaari itong maging paraan ng isang empleyado upang magtakda ng healthy boundaries, ngunit maaari rin itong senyales ng pagkawala ng motibasyon at pakiramdam na hindi pinahahalagahan sa trabaho.

Sa panayam, ipinaliwanag ni Dr. Masanda na ang silent quitting ay hindi isang technical psychological term kundi isang popular na konsepto na tumutukoy sa matagal na pagbaba ng motibasyon kung saan minimum na lamang ang effort na ibinibigay ng isang empleyado.

--Ads--

Gayunman, hindi umano ito laging negatibo. Para sa ilan, paraan ito upang balansehin ang trabaho, pamilya, personal na buhay at komunidad. Nagiging problema lamang ito kapag nawawala na ang malasakit sa kalidad ng trabaho at tuluyan nang nadidismaya ang empleyado.

Ayon kay Dr. Masanda, maaaring may malaking papel ang workplace environment sa ganitong sitwasyon.

Kabilang dito ang kakulangan ng suporta, recognition, career opportunities at maayos na management. Kapag puro pagkakamali ang napapansin at hindi kinikilala ang accomplishments ng mga empleyado, maaari itong humantong sa toxic workplace culture at burnout.

Maaari ring mauwi sa tinatawag na quiet cracking, kung saan unti-unting “nasisira” ang isang empleyado dahil sa patuloy na stress at demotivation.

Payo ni Dr. Masanda sa mga empleyadong nakararanas nito: gamitin ang leave at maglaan ng panahon para makapagpahinga, makasama ang pamilya at makagawa ng mga bagay na nakatutulong upang mapunan muli ang kanilang psychological resources.

Sa halip na work-life balance, mas inirerekomenda rin niya ang konsepto ng work-life integration ang pag-aangkop ng trabaho, pamilya, personal na buhay at iba pang responsibilidad ayon sa sitwasyon, habang malinaw na itinatakda ang oras para sa trabaho at pahinga.