Dumagsa ang mahigit 500 na mga aplikante mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan sa ginanap na Pangasinan Job Fair Caravan sa lungsod ng Urdaneta kamakailan.
Dahil sa naturang aktibidad, umabot sa kabuuang 46 na jobseekers ang opisyal na na-hired on-the-spot (HOTS) at mayroon nang hawak na bagong trabaho mula sa mga nakiisang employer.
Bukod sa mga agad na natanggap, pumalo rin sa 123 applicants ang naitala bilang near-hired o may malaking tsansang matanggap matapos nilang kumpletuhin ang ilang natitirang kinakailangang dokumento o huling serye ng panayam.
Sumabak ang mga aplikante sa interbyu ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang lokal at overseas employment agencies na nag-alok ng napakaraming bakanteng posisyon.
Ang nasabing inisyatiba ay pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III, sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office (PESO).
Naging matagumpay ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Provincial Government sa CB Mall Urdaneta, PESO-Urdaneta City, at Department of Labor and Employment (DOLE) Eastern Pangasinan Field Office.
Nasa 4000 job vacancies ang inialok sa nasabing programa kung saan
layunin dito na mas mailapit sa mga Pangasinense ang mga oportunidad sa trabaho at mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan.
Upang maging mas mabilis at maginhawa ang proseso para sa mga dumalo, naglagay rin ng Government One-Stop Shop sa mismong venue.
Agad na nakapag-proseso ang mga jobseekers ng kanilang mga kailangang dokumento mula sa mga ahensya tulad ng
Professional Regulation Commission (PRC), Department of Migrant Workers (DMW) at Philippine Statistics Authority (PSA).
Patuloy namang maglulunsad ang pamahalaang panlalawigan ng mga katulad na programa upang maibaba ang antas ng kawalan ng trabaho at maipagkaloob ang disenteng pangkabuhayan para sa bawat pamilyang Pangasinense.










