Nagsimula na ang unang public truth-telling session ng sibil at simbahang inorganisang PH Truth Commission upang siyasatin ang mga kaso ng umano’y extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa pamumuno ni dating International Criminal Court (ICC) Judge Raul Pangalangan at patnubay ni Cardinal Pablo Virgilio David, umabot sa mahigit apat na oras ang naging pagdinig sa Pope Pius XII Catholic Center sa Manila kung saan pangunahing dininig ang kaso ng 19-anyos na si Raymart Siapo.
Naging emosyonal ang ina ni Raymart na si Luzviminda Siapo habang inaalala ang buhay ng kaniyang anak mula pagkabata hanggang sa huling tawag nito bago napatay noong 2017.
Habang nagtatrabaho noon bilang domestic helper sa Middle East, nakatanggap siya ng balita ukol sa pagpaslang sa kaniyang anak kasunod ng binuong akusasyon na nagbebenta raw ito ng marijuana.
Ipinaglaban ng ginang na nagsusumikap mag-aral sa Alternative Learning System (ALS) si Raymart at wala itong due process nang dukutin ng humigit-kumulang 14 na masked men matapos ipadala sa barangay.
Inilahad din niya ang hirap na pinagdaanan sa abroad at ang kaniyang tuloy-tuloy na pagtangis hanggang sa pinayagan siyang makauwi ng employer nang walang pasahod para lamang makapagluksa.
Bahagi rin ng pagdinig ang pagpapakita ng forensic findings mula sa ginawang exhumation sa mga labi ng binata na isinagawa ng forensic pathologist at commission member na si Dr. Raquel Fortun.
Ayon kay Dr. Fortun, maayos na naiahon ang labi at isinailalim sa mga pagsusuri tulad ng X-ray, kung saan nakita ang posibilidad ng pagkakabarili sa ulo na nagpapatunay na ito ay isang kaso ng homicide.
Gayunman, idinismaya ng dalubhasa ang mga iregularidad at mali-maling proseso sa naunang medico-legal report noong 2017, tulad ng paglagari sa bahagi ng ulo at kawalan ng angkop na forensic tests—na nagpapakitang mahalagang muling balikan ang maraming kaso ng ‘nanlaban’ na sa katunayan ay hindi naman lumaban.
Binigyang-diin naman ni Cardinal Pablo Virgilio David ang sikolohikal at emosyonal na epekto ng marahas na kampanya sa mga naulilang pamilya.
Naalala ng kardinal kung paano naging tulala si Gng. Siapo pagkauwi nito sa bansa at ang minsan nitong naipahayag na kagustuhang makapaghiganti sa mga pulis—isang patunay sa siklo ng karahasan na idinulot ng drug war.
Para naman kay Chairman Raul Pangalangan, mahalagang maidokumento at maihayag sa publiko ang ganitong mga kuwento upang hindi ito ibaon sa limot.
Dahil walang judicial powers ang komisyon, ang makakalap nitong mga ebidensya at opisyal na findings ay ibabahagi sa mga ahensiya ng pamahalaan at international human rights organizations para sa kaukulang aksyon.
Nakatutulong ang mga pampublikong pagdinig na ito upang ipaliwanag ni dating ICC Judge Raul Pangalangan ang legal na batayan, estruktura, at layunin ng civilian-led Truth Commission sa pagpapanatili ng rekord ng katotohanan ukol sa drug war EJKs.










