Umaabot sa 21 barangay ang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa bayan ng Calasiao, Pangasinan, bunsod ng patuloy na pag-ulan at pag-apaw ng mga ilog.

Ayon kay Kristine Joy Soriano, spokesperson ng Calasiao MDRRMC, umaabot na sa limang talampakan o lagpas-tao ang tubig-baha sa mga barangay ng Talibaew, Lumbang, Longos, at ilang bahagi ng Lasip.

Umapaw na rin ang Marusay-Sinukalan River, dahilan upang patuloy na magsagawa ng evacuation operation ang mga awtoridad sa mga lugar na malalim ang tubig-baha.

--Ads--

Sa kasalukuyan, 250 pamilya o 806 indibiduwal ang nasa Calasiao Sports Complex, at inaasahang madadagdagan pa ang bilang habang nagpapatuloy ang paglilikas.

Samantala, 85 pamilya o 318 indibiduwal ang pansamantalang nanuluyan sa barangay hall, habang anim na pamilya o 50 indibiduwal naman ang inilikas sa isang chapel.

Mayroon ding 18 pamilya o 62 indibiduwal na pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.

Patuloy namang minomonitor ng Calasiao MDRRMC ang sitwasyon sa mga binahang barangay at isinasagawa ang paglilikas sa mga residenteng nasa mga lugar na nanganganib dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig.