Dagupan City – Nanawagan ang Centro Dagupan sa pamahalaan na mabigyan din ng P10 fuel discount ang mga tricycle driver sa lungsod gaya ng binibigay sa mga pampublikong jeepney.
Ayon kay Amador Tagana, Chairman ng Centro Dagupan, labis nang nahihirapan ang mga tricycle driver dahil sa mataas na presyo ng gasolina habang limitado naman ang kanilang kinikita sa pamamasada.
Ani Tagana, bagama’t sinusunod na ng mga driver ang bagong itinakdang taripa, hindi pa rin umano sapat ang kanilang kinikita upang matugunan ang gastos sa gasolina, boundary at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.
Dahil sa mataas na gastos sa gasolina, sinabi nito na may ilang tricycle driver nang pinipiling maghanap ng ibang trabaho, kabilang ang construction, kung saan mas tiyak umano ang kita.
Ayon sa kanya, nasa P150 hanggang P300 lamang ang naiuuwing kita ng ilang driver sa isang araw.
Sa kabilang banda, maaaring umabot umano sa P500 kada araw ang kita sa construction, kaya mas pinipili ito ng ilan kaysa sa hindi tiyak na kita sa pamamasada.
Dagdag pa ni Tagana, malaking problema rin ang mahabang oras ng paghihintay ng mga driver sa pila.
May mga pagkakataong umaabot umano ng dalawang oras bago makakuha ng pasahero, ngunit nasa P30 lamang ang sinisingil sa isang pasahero sa bawat byahe.
Kapag walang pasaherong pabalik, kailangan na naman nilang bumalik sa pila at maghintay ng panibagong biyahe.
Dahil dito, lumiit umano ang kita ng mga driver habang patuloy na tumataas ang kanilang gastusin.
Bukod sa fuel discount, umaasa rin ang grupo na makatatanggap ng karagdagang ayuda ang mga tricycle driver.
Ayon pa dito, malaking tulong ang anumang ayuda o diskwento sa gasolina upang maibsan ang pasanin ng mga tricycle driver at mahikayat silang magpatuloy sa pamamasada.
Sa huli, hinikayat niya ang mga kapwa tricycle driver na magtiis muna habang hinihintay ang posibleng ayuda at pagbaba ng presyo ng gasolina.
Umaasa naman ang Centro Dagupan na maririnig ng pamahalaan ang kanilang panawagan para sa P10 fuel discount, bilang dagdag-suporta sa mga tricycle driver na patuloy na naghahanapbuhay sa kabila ng tumataas na gastusin.










