Patuloy na lumalapit sa kalupaan ng hilagang bahagi ng Ilocos Sur ang Tropical Storm Maymay, ayon sa pinakahuling tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilabas alas-2 ng madaling araw nitong Huwebes.
Batay sa datos ng PAGASA huling namataan ang sentro ng bagyo sa karagatang sakop ng Magsingal, Ilocos Sur. Taglay nito ang hanging aabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 105 kilometro kada oras, habang kumikilos pasilangan sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, at ilang bahagi ng La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Benguet, at Cagayan.
Samantala, nasa ilalim naman ng Signal No. 1 ang natitirang bahagi ng La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Benguet, Ifugao, mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, at ilang bahagi ng Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, at Aurora.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magla-landfall ang Bagyong Maymay sa hilagang bahagi ng Ilocos Sur ngayong umaga bago tumawid sa bulubunduking bahagi ng Northern at Central Luzon.
Inaasahan ding lalabas ito sa silangang baybayin ng Isabela o Cagayan matapos tumawid sa kalupaan.
Sinabi rin ng state weather bureau na mananatiling isang tropical storm ang bagyo bago ito mag-landfall. Gayunpaman, inaasahang hihina ito at magiging tropical depression habang nasa kalupaan, at posibleng maging isang low-pressure area pagsapit ng hapon o gabi dahil sa epekto ng mabundok na kalupaan ng Luzon.










