Patuloy na binabantayan ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang 18 barangay sa Lingayen na nananatiling lubog sa baha habang nananatili ang lalawigan sa blue alert status dahil sa epekto ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng PDRRMO bagama’t humupa na ang pagbaha sa karamihan ng mga lugar sa lalawigan, patuloy pa ring mino-monitor ang Lingayen dahil ito ang may pinakamaraming naitalang apektadong lugar.

Sinabi ni Chiu na umaabot lamang sa 2 hanggang 4 na talampakan ang lalim ng tubig sa mga binabantayang barangay at wala pang isinagawang malawakang evacuation.
Samantala, dalawang bayan ang nagsagawa ng pre-emptive evacuation bilang paghahanda sa posibleng paglala ng sitwasyon.

--Ads--

Sa Alaminos, apat na barangay ang nagsagawa ng pre-emptive evacuation, habang isang barangay naman sa Bani ang nagsagawa nito. Kabuuang 36 pamilya o 104 indibidwal ang naapektuhan at nailikas mula sa dalawang bayan.

Nilinaw naman ni Chiu na wala pang malawakang evacuation na isinagawa kaugnay ng pagbaha, maliban sa mga nabanggit na hakbang bilang pag-iingat.

Ayon kay Chiu, bahagyang tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog dahil sa pag-ulan, ngunit nananatili pa rin itong malayo sa critical monitoring level.

Gayunman, sinabi niya na patuloy nilang sinusubaybayan ang mga karatig-lalawigan, lalo na ang mga lugar na nasa kabundukan, dahil maaaring makaapekto ang pag-agos ng tubig mula sa upstream areas kung magpapatuloy ang masamang panahon.

Samantala, wala umanong naitalang malaking pagguho ng lupa na may direktang kaugnayan sa bagyo.

Hinikayat naman nito ang publiko na gamitin ang 911 emergency hotline kung nangangailangan ng agarang tulong.

Pinayuhan din niya ang mga residente na alamin ang hotline numbers ng kanilang lokal na pamahalaan, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Philippine National Police (PNP), at iba pang emergency response units.