Wala pang pinal na desisyon ang House prosecution panel ukol sa naunang pag-share ni Senator-Judge Pia Cayetano ng spliced at edited na video kamakailan ukol sa naging sagutan nina Sen. Alan Cayetano at Rep. Chel Diokno sa impeachment trial.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro, iginiit niyang batid ng buong panel ang ginawa ng senator-judge, kasama ang mga komento at batikos ng publiko.

Gayunpaman, hindi pa aniya nakakabuo ng pinal na desisyon o posisyon ang House panel ukol sa kontrobersiyal na video.

--Ads--

Natanong din ang mambabatas ukol sa posibilidad ng pagpapabatid sa Senate impeachment court ukol sa naturang insidente.

Ayon kay Luistro, wala pang actual position dito ang House panel, ngunit napag-uusapan na ito ng mga prosecutor sa kasalukuyan.

Sa kabilang banda, nanindigan naman ang House panel na mas mainam kung sundin ang prosecutor-defense na paraan ng presentasyon ng mga ebidensiya sa umuusad na trial laban kay VP Sara.

Ayon kay Luistro, unang tinanong ang House at Defense panel kung pabor ang dalawang panig na gawing prosecution-defense ang presentation ngunit per article basis na.

Aniya, mas makabubuti para sa mga senator-judge at sa viewing public kung ganito ang magiging sistema upang agad maikumpara ang ebidensiya at testigo ng dalawang panig.

Kung susundin aniya ang dating paraan na hahayaan muna ang prosecution na ipresenta ang lahat ng artikulo bago payagang magpresenta ang defense, may posibilidad na makakalimutan na ng publiko at ng mga senator-judge ang mga naunang serye trial.