Patuloy na binabantayan ng BAN Toxics ang posibleng pagdating sa bansa ng 184 na pinaghihinalaang container ng electronic waste o e-waste mula sa Estados Unidos na nakatakdang dumating sa Subic Bay sa pagitan ng Agosto 6 at Setyembre 30.
Ayon sa grupo, nagsimula ang kanilang monitoring noong nakaraang taon at una nilang natukoy ang mahigit 200 container na pinaniniwalaang may kargang e-waste. Sa kasalukuyan, 184 container ang nananatiling nasa kanilang listahan, ngunit hindi pa umano natutukoy ang kabuuang bilang ng mga posibleng papasok sa bansa.
Sinabi ni Jam Lorenzo, Deputy Executive Director ng BAN Toxics, na nananatiling hamon ang pagtukoy sa aktuwal na laman ng mga container kaya nananawagan ang kanilang grupo para sa mas malinaw at transparent na pagbusisi sa mga dumarating na kargamento. Iginiit din niya na mahalagang matiyak kung anong uri ng waste ang pumapasok sa bansa dahil maaari itong maglaman ng mga mapanganib na kemikal na may banta sa kalusugan at kapaligiran.
Nakasaad sa mga umiiral na internasyonal na kasunduan, kabilang ang Basel Convention, ang mga patakaran sa paggalaw ng hazardous waste sa pagitan ng mga bansa. Sa Pilipinas, ipinatutupad din ang mga kaugnay na batas at regulasyon hinggil sa pagpasok ng ganitong uri ng basura. Isyu na rin ito sa mga naging pagdinig noong nakaraang taon kung saan tinalakay ang patuloy na pagpasok ng mga pinaghihinalaang e-waste shipment sa bansa at ang posibleng paglabag sa mga umiiral na batas.
Samantala, nanawagan ang BAN Toxics sa publiko na suportahan ang mga hakbang upang mapigilan ang iligal na pagpasok ng basura mula sa ibang bansa. Hinikayat din ng grupo ang mas mahabang paggamit ng mga electronic device upang mabawasan ang pagdami ng electronic waste at ang epekto nito sa kapaligiran.










