Nanawagan ang One Pangasinan Transport Federation, sa pamahalaan na aksyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na patuloy na nagpapahirap sa hanapbuhay ng mga tsuper at operator.
Sa panayam kay Bernard Tuliao Presidente ng naturang grupo sinabi niyang malaking dagok sa sektor ng transportasyon ang panibagong big-time oil price hike, lalo na matapos ang sunod-sunod na pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo nitong mga nakaraang linggo.
Ayon sa opisyal, matagal nang hinihiling ng transport sector ang dagdag pasahe na P1 ngunit hanggang ngayon ay wala pa itong pinal na tugon mula sa pamahalaan. Umaasa umano sila na mapapakinggan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Tuliao na inaasahan nilang mababanggit sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ang usapin ng dagdag pasahe, ngunit hindi ito naisama sa talumpati.
Aniya, bagama’t tinalakay ng Pangulo ang mga hakbang ng gobyerno upang maibsan ang epekto ng pandaigdigang krisis at tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa presyo ng langis, kailangan pa rin ng mas pangmatagalang solusyon para sa transport sector.
Ayon pa sakanya, nakatulong ang mga programa ng pamahalaan tulad ng fuel subsidy, ngunit hindi umano ito sapat upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng gastusin.
Binanggit niya na may mga operator na nakatanggap ng P5,000 fuel subsidy, habang may P5,000 rin mula sa DSWD sa ilalim ng AICS at dagdag na P1,500 mula sa LTFRB para sa ilang driver.
Kasama rin sa mga programa ang TUPAD kung saan nagtrabaho ang ilang tsuper sa loob ng 20 araw, gayundin ang service contracting program.
Gayunman, sinabi ni Cabatbat na hindi lahat ng tradisyunal na jeepney driver ay nakinabang dito.
Sa Pangasinan, aniya, mas nabigyan ng prayoridad ang mga modernized jeepney sa service contracting, habang ang tradisyunal na jeepney ay hindi gaanong naisama sa programa.
Iginiit ni Tuliao na kailangan ng mas pangmatagalang solusyon tulad ng pagbabago sa Oil Deregulation Law at pagrepaso sa fuel excise tax upang maprotektahan ang mga consumer at transport workers.
Iminungkahi rin niya ang pagpapatupad ng tinatawag na “price gap” mechanism para magkaroon ng mas predictable na presyo ng diesel.
Patuloy naman ang panawagan ng grupo para sa patas na dagdag pasahe, fuel discounts, at mga polisiya na magbibigay ng pangmatagalang proteksyon sa sektor ng transportasyon.










