Sa pagbubukas ng kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, 2026, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kasong isinampa laban sa ilang opisyal, mambabatas, at kontraktor kaugnay ng katiwalian sa mga flood control projects na una niyang inilantad sa nakaraang ulat sa bayan.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga inaasahang sasampahan ng kaso ng Ombudsman ang kanyang pinsan na si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.
Aniya, masakit man ito sa kanya bilang kamag-anak, kinakailangan pa ring gawin ang tama. “Hindi ako pangulo ng aking pamilya. Hindi ako pangulo ng aking kaibigan. Ako ay pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo, sa aking kapwa Pilipino,” pahayag ni Marcos.
Matapos ang SONA, naglabas ng pahayag si Romualdez na nagsasabing iginagalang niya ang posisyon ng Pangulo.
“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato. Sang-ayon ako na gawin natin ang tama,” aniya.
Dagdag pa ni Romualdez, naninindigan siyang wala siyang nilabag na batas at handa siyang patunayan ito sa tamang proseso.
“Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita. Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa batas. At handa akong patunayan ito,” giit niya.
Sa kabila ng pagiging mahirap para sa Pangulo na ituloy ang mga kasong may kinalaman sa mga taong malapit sa kanya, iginiit niyang tungkulin ng pamahalaan na ipatupad ang tama at igalang ang batas.










