Dagupan City – Nakatakdang magsagawa ng kilos-protesta ang Alliance of Health Workers (AHW) kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang pagpapahayag ng kanilang mga hinaing sa kalagayan ng sektor ng kalusugan.
Ayon kay Robert Mendoza, National Coordinator ng AHW, umaasa silang tutuparin ng administrasyon ang mga pangako nito sa mga health worker, kabilang ang pagbibigay ng nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa sa kalusugan at iba pang kawani ng pamahalaan.
Sinabi ni Mendoza na bagama’t kinikilala ang mga health worker bilang mga “modern-day heroes,” nananatili pa rin aniyang mababa ang kanilang sahod at kulang ang suporta ng pamahalaan.
Umaasa rin aniya silang matutugunan ng Pangulo ang mga ipinapangako nito sa kanyang SONA.
Isa rin sa mga pangunahing dahilan ng pag-alis ng maraming nurse upang magtrabaho sa ibang bansa, ayon kay Mendoza, ay ang mababang sahod at kakulangan ng benepisyo sa bansa.
Aniya, ito ang isa sa mga pangunahing isyung dapat bigyang-priyoridad ng administrasyon.
Binigyang-diin din niya ang kakulangan ng mga health worker sa mga pampublikong pagamutan.
Aniya, may mga pagkakataong umaabot sa isang nurse ang humahawak sa mahigit 60 pasyente, na nakaaapekto sa kalidad ng serbisyong pangkalusugan at kaligtasan ng mga pasyente.
Tinuligsa rin ng AHW ang patuloy na contractualization at ang pagpapatupad ng Optimization Act, na ayon sa grupo ay maaaring magresulta sa pagbawas ng mga regular na plantilla position sa halip na madagdagan ang bilang ng mga health worker.
Dahil sa umano’y kakulangan ng prayoridad ng administrasyon sa sektor ng kalusugan, sinabi ni Mendoza na negatibo ang gradong ibibigay nila sa naging performance ni Pangulong Marcos.
Kaugnay nito, iginiit niyang ipagpapatuloy ng kanilang grupo ang kilos-protesta sa araw ng SONA upang ipanawagan ang agarang pagtugon sa kanilang mga hinaing.










