Nanindigan si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na agad naisailalim sa verification at authentication ang kopya ng Zoom press conference ni VP Sara Duterte noong November 23, 2024 kung saan niya ginawa ang pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at presidential cousin, Rep. Martin Romualdez.
Sa isang panayam, natanong ang dating NBI chief kung ano ang naging hakbang ng ahensiyang kaniyang pinamumunuan kasunod ng kontrobersiyal na press conference.
Ayon kay Santiago, agad niyang ipinag-utos sa cybercrime unit ng NBI ang pagsusuri at authentication sa lumabas na video, kasama na ang pakikipag-ugnayan sa opisina ng Meta upang masiguro kung tunay ang naturang video.
Matapos ang mga serye ng authentication, agad umano niyang ipinag-utos ang pagbuo ng isang task force na mag-iimbestiga sa pagbabanta ng pangalawang pangulo.
Ang investigating team ay binubuo ng hanggang anim na abogado kung saan si Dir. Santiago ang nagsisilbing pinuno. Kasama rin dito ang ilang cybercrime expert na kinailangan dahil sa kanilang technical expertise.
Ayon pa kay Dir. Santiago, nagpadala ang NBI ng mga liham at subpoena sa pangalawang pangulo ngunit hindi naman umano siya sumipot, maging sa ikalawang pagkakataon na siya ay ipinatawag.
Giit ng dating judge, ipinabatid din ng NBI kay VP Sara na kanilang iimbestigahan din ang mga nabangit niyang banta sa kaniyang buhay, ngunit hindi pa rin aniya tumugon ang pangalawang pangulo sa paanyaya ng kawanihan.
Nanindigan din ang dating director na hindi akmang ituring ang ‘Project Romanov’ bilang banta sa buhay ni VP Sara, tulad ng lumalabas sa November 23 Zoom conference.
Ayon kay Santiago, una itong nabanggit ni Davao City Mayor Baste Duterte bago pa ang naging pagbabanta ni VP Sara. Ang naturang pahayag aniya, ay mistulang pagbabanta o babala rin sa buhay ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., at hindi kay VP Sara.
Giit ng dating director, nagulat na lamang ang NBI noong mistulang sinasabi na ng kampo ni VP Sara na ito ay banta laban sa kanila gayong si Pang. Marcos naman ang pinapatungkulan noon ni Mayor Baste.










