Nakatanggap ng tulong pinansyal ang 978 mahihirap na pamilya sa bayan ng San Fabian sa ilalim ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport (UPLIFT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Layunin ng programa na mabigyan ng agarang suporta ang mga kwalipikadong pamilya upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Queenie Rose Cabanlig, Municipal Social Welfare and Development Officer ng San Fabian, ang mga benepisyaryo ay natukoy sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) at dumaan sa beripikasyon ng mga municipal link ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

--Ads--

Bawat kwalipikadong benepisyaryo ay tumanggap ng ₱2,000 bilang unang ayuda.

Ipinaliwanag din ni Cabanlig na ang 978 benepisyaryo ay mula sa 34 barangay ng San Fabian at kabilang sa mga unang batch ng mga tatanggap ng UPLIFT Program.

Hinikayat din niya ang mga tumanggap ng ayuda na gamitin ito sa mahahalagang pangangailangan ng kanilang pamilya tulad ng pagkain, gamot, edukasyon at iba pang pangunahing gastusin.

Samantala, sinabi ni Clarivel C. Banzuela, Division Chief ng Protective Services Division ng DSWD Field Office I, na ang UPLIFT Program ay ipinatutupad alinsunod sa Memorandum Circular No. 15 kaugnay ng Executive Order ng Pangulo hinggil sa State of National Energy Emergency.

Aniya, may tatlong target na sektor ang programa ngunit sa kasalukuyan ay nakatuon muna ito sa mga mahihirap na sambahayang nakalista sa CBMS na hindi pa tumatanggap ng iba pang ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Walang Gutom Program.

Idinagdag ni Banzuela na kasabay ng San Fabian ay isinagawa rin ang payout sa iba pang lugar sa Region 1.

Nilinaw din niyang walong bugso ang kabuuang ayuda na matatanggap ng mga benepisyaryo, kung saan ang unang payout ay isinagawa nang mano-mano habang ang mga susunod ay ipapadala na sa pamamagitan ng financial service providers.

Dahil dito, hinihikayat ang mga benepisyaryo na tiyaking tama ang kanilang impormasyon at account details upang maging maayos at mabilis ang pagpasok ng mga susunod na ayuda.