Tinapos ng Sacramento Kings ang Summer League schedule nito sa pamamagitan ng panalo sa Charlotte Hornets, 92-90.
Dahil sa naturang panalo, hawak ng Kings ang 2-3 record habang nangungulelat na 1-4 naman ang win-loss record ng Hornets.
Pinangunahan ni Kings rookie Emanuel Sharp ang panalo ng kaniyang koponan sa tulong ng 16 points at tatlong steal sa loob ng 30 mins. na kaniyang paglalaro. Sa naturang period, tanging isang turnover lamang ang nagawa ng bagitong shooter.
Hawak na ng Sacramento ang momentum sa pagpasok pa lamang ng unang quarter hanggang sa umabot ng 15 points pa ang kalamangan.
Tinapos ng koponan ang unang quarter sa score na 31-19, ngunit agad bumawi ang Hornets sa ikalawang quarter kung saan ibinaba nito ang deficit sa 55-50 sa pagpasok ng halftime.
Nagawa naman ng Charlotte na lumamang sa kalagitnaan ng 3rd quarter ngunit panandalian lamang ito dahil sa matagumpay na comeback ng Kings sa buong 4th quarter. Natapos ang laban pabor sa Sacramento, 92-90.
Maliban sa rookie na si Sharp, naging dominante rin ang presensiya ng 2024 2nd round draftee na si Jonathan Mogbo. Gumawa ang bagitong Kings ng 14 points, walong rebound, at apat na assists, kasama ang tatlong blocks.
Sa Charlotte, gumawa ng double-double performance ang 2026 lottery pick ng koponan na si Hannes Steinbach – 22 pts., 11 rebounds.
Sa sampung field goal attempts ng Hornets rookie, pito ang kaniyang naipasok o katumbas ng 70% shooting percentage.










