Pinangangambahang nasawi ang higit 500 katao matapos lumubog ang dalawang bangka sa baybayin ng Myanmar sa mga nakalipas na araw ayon sa ulat ng mga ahensya ng United Nations (UN).
Nawalan ng kontak ang unang bangka matapos umalis na may sakay na humigit-kumulang 250 katao.
Pinaniniwalaang lumubog naman ang ikalawang bangka sa bahagi ng Ayeyarwady coast sa Myanmar na may dalang 280 pasahero.
Karamihan sa mga pasahero ay mga refugee mula sa minoryang Rohingya Muslim.
Ayon sa UN High Commissioner for Refugees (UNHCR) at International Organization for Migration (IOM), bumiyahe ang mga bangka sa labas ng regular na “sailing season” kung kailan masungit at delikado ang karagatan.
Ang mga Rohingya ay madalas sumasakay sa mga bangkang gawa sa kahoy upang tumakas sa karahasan sa Myanmar at sa siksikang mga refugee camp sa Bangladesh.
Target nilang makarating sa mga kalapit na bansa gaya ng Malaysia, Indonesia, o Thailand sa pag-asang magkaroon ng kaligtasan at oportunidad.








