Umabot na sa 26 ang bilang ng mga nasawi dahil sa matinding epekto ng habagat na pinalakas ng nagdaang bagyong “Inday,” batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa tala, pinakamaraming nasawi ay mula sa Sarangani na may sampu, sinundan ng Lanao del Sur na may pito, apat sa Davao Occidental, dalawa sa Zamboanga Sibugay, dalawa sa Bukidnon, at isa sa Iloilo.
Bukod sa mga nasawi, siyam ang napaulat na nasaktan habang labing-apat naman ang kasalukuyang nawawala. Malawak din ang naging pinsala ng bagyo at habagat, na nakaapekto sa higit 244,000 pamilya o katumbas ng mahigit isang milyong indibiduwal sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Patuloy na nagsasagawa ng mga operasyon ang mga lokal na pamahalaan at ahensya upang hanapin ang mga nawawala at magbigay ng tulong sa mga apektadong komunidad.










