Dagupan City – Agad na nagsagawa ng interbensyon ang SAFEnet Team ng Dagupan City matapos mag-viral sa social media ang isang video na nagpapakita ng umano’y pananakit ng isang deputy barangay tanod sa dalawang menor de edad sa Barangay Bonuan Binloc.
Kasunod ng insidente, sinuspinde ng tatlong buwan ang deputy barangay tanod habang isinasagawa ang kaukulang imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan sa nangyari.
Sa pangunguna ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, personal na binisita ng SAFEnet Team, kasama ang mga kinatawan ng City Social Welfare and Development Office, ang mga magulang at ang dalawang menor de edad upang alamin ang kanilang kalagayan at matukoy ang nararapat na suporta at interbensyon.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mahalagang matiyak na ang anumang pagdidisiplina sa mga kabataan ay isinasagawa sa paraang naaayon sa batas at may paggalang sa kanilang karapatan at dignidad.
Binigyang-diin din na ang mga batang nagkakamali ay dapat gabayan at ituwid sa halip na saktan o ipahiya.
Ipinaalala rin ng SAFEnet Team na sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, ang mga batang nasasangkot sa paglabag sa batas ay nararapat na mabigyan ng rehabilitasyon, paggabay, at iba pang programang makatutulong sa kanilang pagbabago at pag-unlad.
Samantala, tiniyak ni Mayor Fernandez na magpapatuloy ang suporta ng pamahalaang lungsod sa mga pamilyang apektado ng insidente.
Aniya, layunin ng lungsod na hindi lamang panagutin ang mga lumalabag sa batas kundi tiyaking nabibigyan din ng tamang paggabay at pagkakataong makabangon ang mga kabataang nalilihis ng landas.









