Balik-normal na ang sitwasyon sa Taiwan matapos makalabas ng kanilang nasasakupan ang Bagyong Bavi.

Ayon kay Jayson Baculinao, Bombo International News Correspondent sa Taiwan, nagbalikan na sa kanilang mga trabaho ang mga mamamayan matapos humupa ang epekto ng bagyo.

Gayunman, nag-iwan pa rin ang Bagyong Bavi ng pagbaha sa ilang lugar at pinsala sa mga pananim.

--Ads--

Una nang inaasahan na ang Bavi ang magiging isa sa pinakamalalakas na bagyong tatama sa Taiwan, ngunit lumihis ang landas nito kaya hindi ito direktang nag-landfall sa bansa.

Sa kabila nito, isang katao ang nasawi matapos mabagsakan ng puno ang sinasakyan nitong sasakyan, habang ilan pa ang nasugatan dahil sa pananalasa ng bagyo.

Samantala, nagpapatuloy ang clearing operations ng mga awtoridad, partikular sa Taipei at sa mga bulubunduking lugar, upang maalis ang mga natumbang puno, landslide debris, at iba pang mga harang sa kalsada at tuluyang maibalik sa normal ang sitwasyon.