Magpapatuloy ang epekto ng southwest monsoon o habagat na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Linggo ng gabi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa 4 p.m. weather bulletin ng PAGASA nakalagay na makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Western Visayas, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, at Palawan.

Inaasahan ding makakaranas ng mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms ang nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas, habang ang Mindanao naman ay makararanas ng kaparehong lagay ng panahon bunsod ng localized thunderstorms.

--Ads--

Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ang malalakas na buhos ng ulan ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.

Samantala, patuloy ding minomonitor ng weather bureau ang isang low pressure area (LPA) na nasa layong 1,800 kilometro silangan ng Eastern Visayas, sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa PAGASA, mababa pa ang posibilidad na maging tropical depression ang LPA sa loob ng susunod na 24 oras.