Isinusulong muli ang pagpasa sa Senate Bill 1625 o ang West Philippine Sea Education Act sa Senado matapos ang mga pahayag mula sa Chinese Scholar na bahagi ng teritoryo ng China ang Batanes.

Nakapaloob sa panukalang batas ang pag-atas sa Department of Education (DepEd) na magsagawa ng kaukulang pagsasanay para sa mga guro at instructors ukol sa West Philippine Sea (WPS) Education.

Ayon kay Senator Erwin Tulfo na sponsor ng panukala, kung magiging batas ito, maisasama na sa learing materials ang kinikilalang Arbitral Ruling na pagmamay-ari ng Pilipinas ang WPS, mga desisyon ng Supreme Court, at mga batas ng bansa.

--Ads--

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng mabilis na aksyon upang matiyak na hindi madaling malinlang ang mga Pilipino kaugnay ng pag-angkin sa WPS. Mahalaga aniyang sa Basic Education pa lang ay may kaalaman na ukol rito ang mga Pilipino.

Kasunod nito, kinondena ni Tulfo ang mga nanging pahayag sa pag-aangkin ng mga Chinese scholars sa Batanes bilang bahagi ng teritoryo ng China.

Aniya, isang babala umano ang sunod-sunod na pag-angkin ng mga Tsina sa teritoryo ng Pilipinas sa mismong anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Ruling na pabor sa bansa.

Sa huli, binigyang-diin ni Tulfo, na ang pagkakaroon ng kaalaman sa teritoryo na bansa ay hindi lamang usapin sa pagiging makabayan, kundi isang aniyang pratikal na paraan upang ipaalam sa mga Pilipino ang pagmamay-ari ng Pilipinas hindi lang sa teritoryo maging sa mga likas na yaman.