Kinuwestiyon ng Sandiganbayan ang pagbisita nina Vice President Sara Duterte at Senator Robin Padilla kay detained Senator Rodante Marcoleta sa PNP General Hospital.
Ayon sa korte, may pulmonya si Marcoleta at inirekomenda ng kanyang doktor na manatili siyang naka-isolate dahil nakahahawa ang kanyang sakit. Kaya’t tinanong ng mga mahistrado kung bakit pinayagan pa rin siyang makatanggap ng mga bisita.
Inamin naman ng PNP Health Service na nagkaroon ng pagkukulang sa pagpapatupad ng health protocols. Ayon sa kanila, hindi naipasuot sa mga bumisita ang facemask. Gayunpaman, nilinaw nilang ang pagpapasya kung sino ang maaaring bumisita ay nasa ilalim ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa kabila nito, sinabi ng mga doktor na bumubuti na ang kalagayan ni Marcoleta at maaari na siyang bumiyahe basta’t magsusuot lamang ng face mask. Inirekomenda rin nilang manatili muna siya sa ospital hanggang Hulyo 15 upang makumpleto ang kanyang antibiotic treatment.
Nag-utos din ang Sandiganbayan ng hiwalay na medical examination mula sa doktor ng UP-Philippine General Hospital upang matiyak ang kalagayan ni Marcoleta bago siya iharap sa korte para sa arraignment at ilipat sa New Quezon City Jail.
Si Marcoleta ay nahaharap sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y hindi idineklarang campaign donations na nagkakahalaga ng P75 million.










