Kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Roma si Pope Leo XIV matapos sumailalim sa matagumpay na operasyon upang alisin ang bahagi ng kaniyang kanang baga na may tumubong kanser, ayon sa pahayag ng Vatican.

Inihayag ng Vatican na noong Martes ng gabi ay natapos ang operasyon at nakabalik na ang Santo Papa sa kaniyang silid.

Sumailalim ang Santo Papa sa operasyon sa dibdib, ayon sa pahayag nina Dr. Luigi Carbone at Professor Stefano Margaritora.

--Ads--

Inalis ang ibabang bahagi ng kanang baga sa pamamagitan ng operasyong ginagamitan ng video assistance.

Sa karagdagang pagsusuri sa bahaging inalis, natuklasan ang ebidensiya ng pulmonary adenocarcinoma, isang karaniwang uri ng kanser sa baga, ayon sa mga doktor. Tumagal nang humigit-kumulang 90 minuto ang buong operasyon.

Isinagawa ang operasyon noong Martes ng hapon sa Agostino Gemelli University Policlinic Hospital sa hilagang-kanlurang bahagi ng Roma. Isa itong pribadong pagamutan na matagal nang may ugnayan sa Vatican. Ito ang unang pagkakataong naospital ang Santo Papa mula nang magsimula ang kaniyang panunungkulan.

Walang history ng paninigarilyo si Pope Leo at kilala siyang nagsisikap na mamuhay nang malusog. Noong nagsisilbi pa siyang kardinal, naiulat na mayroon siyang personal trainer. Ang isa sa mga nauna niyang malubhang pagkakaospital ay dahil sa typhoid fever sa Peru noong 1985

May kasaysayan din ng kanser sa kaniyang pamilya. Kasalukuyang ginagamot ang kaniyang panganay na kapatid na si Louis Prevost para sa sakit na unang na-diagnose sa kaniya noong 2017.

Pumanaw naman sa kanser ang ina ng Santo Papa na si Mildred noong 1990. Ang kaniyang ama, na Louis din ang pangalan, ay namatay noong 1997 dahil sa kanser sa bituka at sakit sa puso.

Noong Linggo, sinabi ng 71-anyos na Santo Papa sa mga taong nagtipon sa St. Peter’s Square na may natuklasan ang mga doktor na isang nodule o maliit na bukol sa kaniyang baga, na ipinayo nilang alisin sa pamamagitan ng operasyon.

Ayon kay Pope Leo, natuklasan ang tumubo sa kaniyang baga sa “napakaagang yugto” at nanatili itong “maayos na nakapaloob” sa bahaging kinaroroonan nito.