Dagupan City – Pinaigting ng Lingayen Municipal Police Station ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral alinsunod sa direktiba ni Pangasinan Police Provincial Director PCOL Dennis de Leon.
Ayon kay PLtCol. Junmar Gonzales, Chief of Police, kabilang sa kanilang mga prayoridad ang pakikipag-ugnayan sa mga school heads, guro, at mga opisyal ng barangay upang higit pang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan at maisulong ang ligtas na kapaligiran para sa mga estudyante.
Ayon kay Gonzales, patuloy na minamaximize ng kanilang himpilan ang police deployment at regular na nagpapatrolya sa iba’t ibang paaralan sa Lingayen, partikular sa Pangasinan National High School at Pangasinan School of Arts and Trades.
Kamakailan ay nagsagawa rin ang pulisya ng surprise bomb threat simulation exercise sa Pangasinan National High School bilang bahagi ng paghahanda sa anumang posibleng insidente at upang masubok ang kahandaan ng mga mag-aaral at school personnel.
Bukod sa police visibility, nagsasagawa rin ang mga pulis ng classroom sit-in, lalo na sa mga senior high school students.
Sa mga pagbisitang ito, nagbibigay sila ng maikling talakayan tungkol sa kahalagahan ng edukasyon, anti-bullying campaign, Child Abuse Law, at mga batas na may kaugnayan sa Violence Against Women and Children (VAWC) upang mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan at mahikayat silang umiwas sa anumang uri ng karahasan.
Patuloy ding nakikipagtulungan ang Lingayen Police sa Department of Education sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagpupulong ng mga magulang at guro.
Layunin nitong palakasin ang ugnayan ng paaralan, pamilya, at pulisya upang masubaybayan ang kalagayan ng mga mag-aaral at maagapan ang anumang problemang maaaring makaapekto sa kanilang pag-aaral at pag-uugali.
Hinikayat naman ng Lingayen Municipal Police Station ang mga magulang na patuloy na gabayan at bantayan ang kanilang mga anak, habang pinayuhan din ang mga guro na maging mapagmasid sa mga estudyanteng maaaring dumaranas ng suliranin sa kanilang pamilya.
Naniniwala ang pulisya na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga magulang, paaralan, barangay, at mga awtoridad ay mas mapananatiling ligtas at maayos ang kapaligiran ng mga paaralan sa Lingayen.










