Ipinatawag ng Sangguniang Bayan ng Malasiqui dito sa lalawigan ng Pangasinan ang pamunuan ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) upang magpaliwanag kaugnay ng sunod-sunod na reklamo ng mga residente sa umano’y biglaang pagtaas ng kanilang singil sa kuryente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Malasiqui Vice Mayor Dang Mamaril na nagpatawag sila ng committee hearing matapos makatanggap ng maraming reklamo mula sa mga konsyumer na nagsasabing dumoble hanggang nag-triple ang kanilang electric bill nitong nakaraang buwan.
Ayon kay Mamaril, nakababahala ang sitwasyon dahil may naitala pang isang pangkaraniwang kabahayan na umano’y nakatanggap ng halos isang milyong pisong singil sa kuryente.
Sinabi rin ng bise alkalde na kabilang siya sa mga nakaranas ng hindi maipaliwanag na pagtaas ng bayarin.
Aniya, dumoble ang kanilang electric bill noong Hunyo kahit walong araw silang wala sa bahay at kakaunti lamang ang kanilang konsumo sa kuryente.
Mas lalo pa umanong nagdulot ng pagdududa ang kanilang obserbasyon na patuloy na umiikot ang metro kahit pinatay na nila ang main breaker ng kanilang bahay.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Mamaril ang accuracy at efficiency ng mga meter reader at maging ang proseso ng pagbabasa ng metro ng CENPELCO.
Aniya, kinakailangang matukoy kung saan nagmumula ang mga pagkakamali upang hindi na maulit ang ganitong mga insidente.
Bukod sa mataas na singil, inihayag din ng bise alkalde na patuloy na nararanasan ng maraming barangay sa Malasiqui ang madalas na brownout, na lalo umanong nagpapabigat sa mga konsyumer.
Samantala, ayon kay Mamaril, ipinaliwanag ng pamunuan ng CENPELCO na isolated case lamang umano ang mga naturang reklamo at tiniyak na kanilang iimbestigahan at aaksyunan ang bawat insidente.
Gayunman, kinuwestiyon ng bise alkalde ang naturang pahayag dahil sa dami ng reklamong natanggap ng kanilang tanggapan mula sa mga residente.










