Lalong pinapalakas ng Tayug Municipal Police Station ang seguridad at kamalayan sa mga paaralan sa bayan lalo na sa dalawang paaralan sa kanilang nasasakupan.

Kabilang dito ang Tayug National High School at Panganiban National High School.

Ayon kay PLT Clarence A Cabucos, Deputy Chief of Police ng nasabing istasyon na nagsasagawa sila ng mga information drive kasama ang mga estudyante, mga miyembro ng Parents and Teachers’ Association (PTA), at mga guro para palawigin ang kanilang kamalayan tungkol sa mga posibleng banta at maiwasan ang mga insidente tulad ng nangyari sa Tacloban City.

--Ads--

Kasama rin sa mga aktibidad ang mga pribadong paaralan sa bayan, bagama’t ang dalawang pampublikong high school ang pangunahing pokus ng mga operasyon.

Sa kanilang tala, sa 21 na Barangay ng Tayug nasa 17 dito ang Pampublikong Elementary Schools, 2 ang Public national High Schools, 2 ang Private Schools with High Schools, habang 1 University and 1 College.

Binigyang-diin din niya na tuwing pasukan ay nagde-deploy ang mga pulis sa mga gate ng mga paaralan kung saan nasa dalawang tauhan sa bawat pasukan at nagsasagawa ng foot patrol sa loob at labas ng mga kampus.

Pagbabahagi nito na sa kasalukuyan, wala pang naiulat na insidente ng karahasan sa mga paaralan, at wala pa aniyang nakukuhang mga illegal na gamit gaya ng patalim, o baril mula sa mga estudyante sa mga paaralan.

Samantala, nananawagan naman ang kapulisan sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak at tiyakin na maayos ang kanilang kalagayan upang mabigyan sila ng tamang gabay sa pagpasok sa eskwelahan.

Hinihikayat din ang mga magulang na alamin kung may mga problema o pasanin ang kanilang mga anak, at kilalanin ang mga taong kanilang nakakasalamuha.

Sa mga estudyante naman, ipinapaalala ni PLT Cabucos na ingatan nila ang kanilang sarili at tandaan ang sinabi ni Jose Rizal na “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”